Ang bawat cryptocurrency ay may consensus mechanism, na inaalis ang sentralisadong middleman sa proseso ng bawat transaksyon.
Halimbawa, ang Bitcoin at Ethereum ay kayang pamahalaan ang kanilang mga sariling financial system. Walang iisang kumpanya o tao ang kumokontrol sa server o database nito. Sa halip, libu-libong mga computer sa buong mundo ang lumalahok sa network upang subaybayan, pamahalaan, at kumpirmahin ang bawat transaksyon.
Ito ay isang "trust-less" na sistema na kailangan lamang ng kasunduan o konsensus ng lahat ng konektadong computer sa network. Ang bawat transaksyon ay naitatala sa isang hindi nababago at pampublikong ledger upang ang lahat ay makita ito. Ang lahat ng kalahok ay dapat sumang-ayon na ang bawat transaksyon ay wasto o totoo bago ito maisagawa.
Sa kasalukuyan, tatlong pangunahing modelo ng consensus mechanism ang ginagamit ng mga cryptocurrencies at digital assets:
- Proof-of-Work
- Proof-of-Stake
- Proof-of-Authority
Ano ang Proof-of-Work (PoW)
Inilunsad sa network ng Bitcoin noong 2009, ang modelong Proof-of-Work ay idinisenyo upang malutas ang problemang "double-spend". Kapag nagastos na ang isang halaga sa isang transaksyon, hindi na ito magagastos muli sa isa pang transaksyon dahil hindi ito papayagan ng blockchain algorithm. Sa tulong ng mga computer, pinipigilan ng PoW consensus ang paggamit ng "duplicate" na coins sa pamamagitan ng paglilista ng lahat ng mga transaksyon.
Ang isang blockchain ay ligtas at permanenteng iniimbak ang lahat ng mga impormasyon. Bago idagdag ang isang block sa chain, ang bawat kalahok na computer (miner) ay nakikipagkumpitensya upang malutas ang cryptographic puzzle ng block. Ang computer na unang makakalutas ng puzzle ay gagantimpalaan ng crypt. Dito nakuha ang terminong “mining”. Sa tuwing may idaragdag na block sa chain, naa-update ang pampublikong ledger.
Ang PoW ay lubos na ligtas. Para mamanipula ang mga transaksyon, kailangang ma-hack ang lahat ng mga computer na konektado sa network nang sabay-sabay. Higit pa rito, ang antas ng hirap sa pagmimina ay umaayon din sa dami ng minero na kasali o umalis sa network.
Ano ang Proof-of-Stake (PoS)
Ang ideya ng Proof-of-Stake ay unang iminungkahi bilang alternatibo sa PoW sa Bitcoin Talk forum noong 2011. Ang validator ay dapat magtaya o mag-lock ng isang tiyak na halaga ng cryptocurrency sa blockchain bago ito makakuha ng karapatang mag-validate ng mga transaksyon.
Kung mas maraming coin nan aka-stake ang validator, mas marami siyang makukuhang pagkakataon para magproseso ng mga transaksyon at magdagdag ng block sa chain. Ang pinakamaliit na halaga ng mga coin na kailangan at ang haba ng oras na dapat itong i-stake ay maaaring mag-iba depende sa cryptocurrency. Ang proseso ng pagpili para sa validator node ay randomized ng algorithm. Samakatuwid, gaano man kalaki ang stake ng validator, hindi ito palaging garantisadong makakakuha ng mas maraming pagkakataon sa lahat ng oras.
Kung susubukan ng validator na labagin ang mga patakaran ng blockchain, mawawala ang staked crypto nito. Ito ay tinatawag na slashing, na nagsisilbing parusa para sa mga validator na mandaraya.
Ano ang Proof-of-Authority (PoA)
Iminungkahi noong 2017 ng founder ng Polkadot na si Gavin Wood, ang Proof-of-Authority (PoA) ay kilala sa bilis nito ng pagproseso ng mga transaksyon. Hindi tulad ng mga tradisyonal na consensus mechanism, ang modelo ng PoA ay batay sa reputasyon. Sa halip na mag-stake ng coins ang mga validator, ang kanilang reputasyon ay nakataya upang makakuha ng karapatang mag-validate ng mga transaksyon. Ito ay itinuturing na mas mahusay at praktikal para sa mga pribadong institusyon, lalo na para sa logistics.
Ang modelo ng PoA ay hindi nangangailangan ng mamahaling kagamitan upang mapanatili ang network. Hindi ito nangangailangan ng computing power at initial capital. Sa halip, nangangailangan ito ng institusyonal o indibidwal na reputasyon at pagkakakilanlan upang kumonekta sa network at makagawa ng mga blocks.
Ang mga validator node ay random na pinili batay sa tiwala ng network sa kanila. Ang limitadong bilang ng mga kompanya o negosyo ay nagsisilbing pre-approved validators at tagapangasiwa ng sistema. Dahil ang mga pagkakakilanlan ng mga node ay pampubliko, hindi sila maaaring gumawa ng masama dahil maaaring masira ang kanilang reputasyon. Maaari din silang makasuhan dahil sa paglabag sa mga patakaran ng network.
Kalamangan at Kahinaan: PoW vs. PoS vs. PoA
Bilis at Seguridad
Proof-of-Work
Kung ikukumpara sa ibang consensus mechanism, ang PoW ay itinuturing na pinaka-secure. Napakahirap i-hack ang lahat ng mga computer na nakakabit sa network nang sabay-sabay. Wala ding isang computer na may sapat na computing power upang manipulahin ang blockchain sa gumagamit ng PoW.
Sa kabilang banda, ang isa sa mga kahinaan ng PoW ay ang bilis nito sa pagproseso ng mga transaksyon. Karamihan sa computing power ng PoW ay napupunta sa paglutas ng mga cryptographic puzzle, na nagsasakripisyo naman sa oras na dapat ilan sa pagproseso ng mga transaksyon.
Proof-of-Stake
Kung ikukumpara sa PoW, ang modelong Proof-of-Stake ay mas mabilis. Hindi ito nangangailangan ng computing power mula sa mga espesyal na computer. Samakatuwid, mas mabilis para sa mga validator node na magproseso ng mga transaksyon.
Ang pagmamanipula o pagkontrol sa blockchain ay nangangailangan ng bilyun-bilyong dolyar ng crypto. Ang validator ay dapat magkaroon ng hindi bababa sa 51% ng kabuuang coin na nasa network upang matagumpay na manipulahin ang mga block o transaksyon. Gayunpaman, ang mga staked na coins ng mga validator na gagawa ng masama ay madaling ma-slash ng protocol. Kaya mapapawalang saysay ang pandaraya sa network.
Proof-of-Authority
Ang PoA ay itinuturing na mas mahusay at praktikal para sa mga pribadong institusyon. Dahil walang computing power o staking na ginagamit, mas mabilis ang pag-validate ng mga transaksyon. Ang isang kumpanya ay dapat magtaya ng reputasyon nito para makasali sa network, na nagpapababa sa mga panganib na dala ng pandaraya.
Sa kabilang banda, ang modelo ng PoA ay maaaring makaakit ng mga taong gusting manipulahin ang network. Dahil pampubliko ang pagkakakilanlan ng mga validator, maaari silang maimpluwensyahan ng mga tao sa labas ng sistema, na nakakasama sa seguridad ng network.
Sistema ng Gantimpala at Pagkakakitaan
Proof-of-Work
Ang mga espesyal na computer na tinatawag na Application-Specific Integrated Circuits (ASIC) ay naimbento para magsagawa ng PoW computations. Ang mga ASIC ay mga mamahaling computer na hindi kayang bilihin ng mga ordinaryong investors.
Proof-of-Stake
Ang mga investors sa modelo ng PoS ay madaling makakuha ng mga reward sa pamamagitan ng staking. Maraming mga crypto exchange ang nag-aalok ng staking bilang isa pang paraan upang kumita ng pera sa crypto. Ngunit may kailangan paring minimum na halaga ng crypto bago makapag-stake ang isang investor.
Proof-of-Authority
Dahil walang mga coin na ini-stakes o minimina, ang mga validator ay hindi makakakuha ng mga reward mula sa network. Sa kabilang banda, ang mga validator node ay pwede mabigyan ng insentibo sa kanilang kaugnayan sa proyekto ng crypto. Ang pakikilahok ng isang negosyo o kumpanya sa isang PoA network ay maaaring magbigay sa kanya ng kumpiyansa at tiwala mula sa mga investors, lalo na kapag ang ibang mga pinagkakatiwalaang kumpanya ay kaugnay din sa network.
Sentralisasyon at Monopolyo
Proof-of-Work
Ang pagmamanipula sa network na gumagamit ng PoW consensus ay napakahirap gawin. Para magkaroon ng monopoly sa network, kailangan munang kumalap ng hindi bababa sa 51% ng kabuuang mga miners sa network. Dahil nakakalat sa buong mundo ang mga miners, ang pag-atake sa isang network na may PoW consensus mechanism ay napakahirap gawin.
Proof-of-Stake
Para naman sa modelo ng PoS, mas madali para sa mga mining pool na makaipon ng mas maraming crypto para sa staking. Nagbibigay ito sa kanila ng mas maraming pagkakatan upang mag-validate ng transactions. Maaaring abusuhin ito ng mas malalaking operasyon, lalo na dahil ang ilan sa mga pinakasikat na crypto exchange ngayon ay nag-aalok ng staking bilang serbisyo. Samakatuwid, ang modelo ng PoS ay maaaring magkaroon ng sentralisasyon.
Proof-of-Authority
Ang pangunahing problema sa modelo ng PoA ay sentralisasyon. Kailangang patunayan ng mga node ang kanilang pagkakakilanlan at reputasyon sa isang sentral na awtoridad upang sumali sa network bilang isang validator. Samakatuwid, ang kakulangan ng immutability, ang pangangailangan para sa pahintulot, at sensorship ay ilan sa mga pangunahing alalahanin sa modelo ng PoA.
Pagpapaganda at Pamamahala
Proof-of-Work
Sa pinakauna nitong anyo, ang modelo ng PoW ay mahirap kontrolin o baguhin. Gayunpaman, ginamit ng mga bagong cryptocurrencies ang modelo ng Proof-of-Work at pinahusay ang ilan sa mga features nito. Halimbawa, ang Dogecoin ay gumagamit ng auxiliary na Proof-of-Work consensus. Pinapayagan nito ang pagmimina ng dalawang PoW cryptocurrencies nang sabay-sabay, ngunit hindi ito nangangailangan ng maraming enerhiya.
Proof-of-Stake
Ang modelo ng PoS ay mas madaling i-upgrade at pamahalaan. Depende sa cryptocurrency, kung minsan ang mga validator ay maaaring demokratikong bumoto sa mga upgrade at pagbabago na gusto nila para sa sistema. Maaaring ito ay isang mas mababang halaga para sa staking o isang mas mahabang panahon para dito.
Proof-of-Authority
Ang pamamahala ay isa sa mga kagandahan ng modelong PoA. Marapat lamang dahil ginagamit ito ng mga kumpanya at negosyo upang mapadali ang ilan sa kanilang mga pangangailangan, lalo na para sa mga layuning pang-logistik. Sa limitadong bilang ng mga kalahok, mas madaling magkaroon ng consensus kapag ina-upgrade ang network.
Isyu sa Enerhiya at Kalikasan
Proof-of-Work
Ang pangunahing problema sa modelo ng PoW ay gumagamit ito ng maraming enerhiya. Ang init na nalilikha nito ay isa ring pangunahing problema para sa kapaligiran. Kailangan ding itapon ang mga lumang modelo ng computer kapag may inilabas na mas bago sa merkado.
Proof-of-Stake
Kung ikukumpara sa modelo ng PoW, ang Proof-of-Stake ay mas mura at mas nakakatulong sa kalikasan. Ang pakikilahok sa network ay nangangailangan ng kaunting enerhiya, kapital, at hardware. Gayunpaman, nangangailangan pa rin ito ng mga computer at server upang mga-validate ng transaksyon.
Proof-of-Authority
Ang mga isyu sa enerhiya at kapaligiran ay wala pagdating sa modelo ng PoA. Hindi ito umaasa sa espesyal na hardware at computing power para gumana. Dagdag pa dito, ito ay pinatatakbo ng limitadong bilang ng mga validator, na higit pang nagpapabawas ng enerhiya na kinakailangan upang patakbuhin ang network.
Konklusyon
Bago mag-invest sa isang cryptocurrency, mahalagang gamawa muna ng sariling pananaliksik Subukang unawain kung paano gumagana ang crypto, kasama ang consensus mechanism, tokenomics, at mga gamit nito.
Mag-sign up ngayon o i-download ang Coins.ph app para makakuha ng pinakabagong balita, tips, at gabay tungkol sa cryptocurrency.